top of page
Writer's pictureINSPITIVITEA

Una


Alam mo ba na ito ang talaan ng mga unang karanasan na bumuo ng pagkatao ko? Isasama kita sa sulok ng aking isipan, kung saan nakakubli ang kahon ng mga una kong pagkakamali, pagkasabik, pagkatalo.


Marahil ay matatawa ka kung sasabihin ko na ang unang nagpa-iyak sa akin ay ang kurot ng nanay ko. Kung babalikan ko ang ala-alang iyon ay mararamdaman ko pa rin ang sensasyon ng sakit sa aking tagiliran. Iyon ang una, kung kaya't nakatatakot,at nakadadala. Hindi mo na gugustuhin pang ulitin ang siguro'y pagkakamali, dala siguro ng kamusmusan kaya't 'di ko mawari kung ano ang naging kasalanan.


Nang dahil sa larong habulan ay naranasan kong madapa sa unang pagkakataon. Alam ko na alam mo ang pakiramdam; mahapdi at masakit ngunit kailangan mong tumayong muli at ipagpatuloy ang pagtakbo. Natatandaan ko pa ang pakiramdam ng sobrang pagod, ang kagustuhang sumuko ng malalamya kong tuhod. Ngunit, nandoon ang pagkasabik na malaman kung ako ba ang mananalo, kung ako ba ang matitirang matatag sa dami ng mga kalaro ko.


Bato-bato-pick naman ang unang laban kung saan ako natalo. Ang totoo, hanggang ngayon ay nahihirapan pa rin akong intindihin ang larong ito. Paulit-ulit-ulit-ulit na akong natalo ngunit nagpapatuloy pa rin ang kagustuhan kong maintindihan, kung bakit hindi ko makuhang sukuan ang isang bagay na nagpadama sa akin na hindi naman ako ga'nong kagalingan.


Kaya para sa'yo, na lagi't lagi nalang sinusubok ng mga una sa dinami-dami ng pwede namang pangalawa. Tandaan mo ang lahat ng una na nagbukas ng maliit na kurtina na nagtatago sa'yo sa reyalidad. Mga una na maghahanda sa'yo sa pangalawa, pangatlo at higit pang pagkakataon. Susubukin ka ng parehong sitwasyon ngunit dahil sa una hindi ka na matatakot magkamali, handa ka nang punan ang 'yong pananabik, maipapanalo mo na ang bagay na dati mong ikinatalo,


lagi't lagi kang susubukin iyon ay dahil natuto ka na, sa una pa lang.



TALAAN SA KAHON NG AKING MGA UNA,

written by: Haidee Maneja

illustration by: Nicole Brozo


19 views0 comments

Recent Posts

See All

ULAN

SCOPE ZERO

Comments


bottom of page