top of page
Writer's pictureINSPITIVITEA

MANIKA

Updated: May 16, 2023


Sa nakalipas na mga panahong naging isa akong instrumento para makapag bigay ng saya, naranasan kong mapilayan—matapos panghinaan ng tuhod dahil sa layo man nang natutunton ng aking mga binti ay tila napagod na ito sa paikot ikot na landas na madalas kong bagtasin noon.


Matanggalan ng kamay dahil kahit anong pilit kong pag takas sa aking pagkakagapos ay pulso ko na lang ang sumukong kalabanin ang mahigpit nitong pagkakatali;


at malagasan ng buhok—gaya ng mahabang listahan at makintab na pag asang may araw din ang masasabi kong ako'y makakapag pahinga sa mga bagay na ginawa akong parang isang manika, na matapos pagsawaan ng bata ay iiwan na lang sa isang sulok. Doon sa ilalim ng kama kung saan nasa pinaka nakakatakot na parte nito at tanging dilim lang ang abot ng panginin ko.


Ngunit buti na lang, buti na lang wala na ako sa kahon.


Wala na ako ro'n sa kahon kung saan mas ipinamumukha sa akin ng mundo na hindi ako malaya. Buti na lang hindi ko na mararanasang makipag siksikan sa mga kapwa ko laruan do'n sa maliit na kahong 'yon. Hindi na ako muling mapupunta sa pinaka ilalim noong tuwing magpupumilit lang akong gumalaw ay 'di ko namalayang nailubog ko na pala ang sarili sa pinaka dulo.


Marahil ngayon ay nasa dilim ako, ngunit darating din ang tamang oras para magliwanag na muli ang paligid. Kung saan malaya ako, kung saan kahit mag isa ako ngayon at nasira ako ng kahapon, alam kong may bukas na bubuo sa'kin; rason para magpatuloy muli maglakad, kumawala sa paagkaka gapos, at gaya ng buhok na nalagas, mayroon paring di mabilang na hibla ng pag-asang magiging maayos din ang lahat.



manika sa labas ng kahong puno ng laruan.

written by: Laicalyn Ganancioso

illustration by: Nicole Brozo


22 views0 comments

Recent Posts

See All

Una

ULAN

Comments


bottom of page